Isa sa mga naging aksyon ng pamahalaan upang malabanan ang COVID-19 ay ang pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa buong Luzon. Ngayong tayo ay nasa ika-apat na linggo ng ECQ, isa sa mga suliranin na patuloy na hinaharap ng karamihan ay ang mainam na pagkonsumo ng mga pagkain sa kanilang tahanan.
Bukod sa limitado ang ating mga pinagkukuhaan ng pangunahing pangangailangan na ito ay hindi lahat sa atin ay may sapat na kakayahan na mag-imbak ng pagkain sa ating mga tahanan. Kaya naman, narito ang ilan sa mga tips na pwedeng makatulong sa inyong pamilya upang masigurado na masustansya ang inyong mga nakakain at natitipid din ang mga sangkap na naka-imbak sa inyo.
Tandaan ang BURP sa mainam na pagkonsumo ng pagkain:
B umuo ng putahe mula sa mga sangkap na nasa inyong tahanan. Sulitin ang pagkonsumo ng mga ito bago bumili ng mga panibagong pagkain.
U nahin ang mga pagkaing madaling ma-expire o masira. Siguraduhing sariwa ang mga sangkap sa iyong lulutuin.
R egular na i-check ang portion ng mga sangkap na gagamitin. Maghinay-hinay sa pagkain ng masyadong matamis, maalat, o may mataas na kolesterol na mga pagkain. Makatutulong kung magdadagdag ng masusustansyang pagkain sa hapag kainan.
P lanuhin ang mga iluluto. Mainam na gumawa ng schedule sa mga pagkaing gagawin. Sa ganitong paraan ay mas madaling malaman kung ano ang mga sangkap na maaring gamitin at mga kailangan pang bilhin.
Sa tamang pagpaplano ay maiiwasan din ang hoarding kaya mas mabibigyan ng pagkakataon ang ibang tao na makabili ng kanilang pangangailangan.
Kung kayo naman ay galing sa grocery o sa palengke, kayo ay hinihikayat na sundin ang easy steps na ito upang mailigtas ang inyong pamilya sa banta ng COVID-19.
1. Maghugas ng kamay pagkatapos mamili.
2. Ilagay sa hiwalay na lugar ang mga bagong pinamili at iwasang masama ito sa mga pagkaing nasa ating bahay.
3. Linisin at i-disinfect ang mga pinamili:
- Para sa mga prutas: Hugasan nang mabuti sa dumadaloy na tubig.
- Para sa mga de lata at mga pinamili na may balot: Gamitin ang 1:9 ratio para sa tubig at chlorox na gagamiting panlinis. (Haluin ang 1 baso ng chlorox sa 9 na baso ng tubig.)
4. Itapon sa tamang basurahan ang disposable packaging.
5. Matapos ma-disinfect ang mga bagong pinamili, linisin ang lugar na pinaglagyan ng mga ito.
6. Pagkatapos ng buong proseso, huwag kalimutan na maghugas muli ng kamay.
Tandaan na ang bawat isa sa atin ay may maiaambag upang makatulong sa ating mga kababayan at mapigilan ang paglaganap ng COVID-19. Ang simpleng pagsunod sa mainam na pagkonsumo ng pagkain sa ating mga tahanan at paglilinis ng ating mga pinamili ay malaking paaran upang mapanatiling ligtas ang inyong pamilya sa COVID-19.