Sa murang gulang na isang taon, nagpakita na ng interes sa pagguhit si Lirah Aezobel “Liel” Ibañez, na kasalukuyang nakatira sa Tagaytay kasama ng kanyang pamilya. Sa gabay ng kanyang mga magulang na parehong may hilig din sa pagguhit, mas nagkaroon ng interes si Liel sa larangang ito.
Malaki rin ang epekto ng kanyang pagsali sa online art class at pag-aaral bilang isang home-schooled student upang mas lalong mahubog ang kanyang kakayahan.
Ngayong pitong taong gulang na si Liel, nagpakitang-gilas siya ng kanyang talento upang magbigay-pugay sa ating mga frontliners na patuloy na lumalaban upang tayo ay mapanatiling ligtas sa COVID-19.
Sa kanyang murang edad ay nakita niya ang kahalagahan ng pagsisilbi sa kapwa. Nakakaaliw tingnan ang iginuhit niyang mga superheroes — sina Captain Med, Wonder Food Crew, Factory Guardian, Law Enforcer, Fire Fighter, Deliverer, Fantastic Banker, Wolve Guard, Basura Buster, Flash Reporter, Crew Woman, at si Super Driver.
Para kay Liel, ang ating mga frontliners ay mga superheroes gaya ng mga napapanood natin sa pelikula at telebisyon. At katulad ng mga ito, tayo rin ay kanilang inililigtas.
Ayon sa kanyang ina na si Larah Ibañez, naging inspirasyon ng mga drawings ni Liel ang mga nakikita niya mula sa mga libro at sa kanyang kapaligiran. Ngayong Enhanced Community Quarantine, inaral niya ang isang cartoon reference na nakita niya online at ginawa niyang inspirasyon ito para sa kanyang superheroes na art work.
Sa tulong ng walang-sawang suporta ng kanyang mga magulang, mas nahasa ni Liel ang kanyang talento. Nagamit n’ya ito sa makabuluhang paraan katulad ng pagbibigay ng impormasyon tungkol sa COVID-19. Gumawa sya ng isang info-comics na naitanghal sa Art Sharing campaign ng Bantay Bata 163 kung saan siya ay napili bilang “Artist of the Day.”
Gamit ang kanyang lapis at mga pangkulay, ibinabahagi ni Liel ang mensaheng nais niyang iparating bilang pasasalamat sa mga frontliners na patuloy na lumalaban sa COVID-19.
Ang Art Sharing campaign ng Bantay Bata 163 ay naglalayong magamit ng mga bata ang libreng oras nila sa makabuluhang gawain, magkaroon sila ng kamalayan sa mga nangyayari sa kanilang kapaligiran, at kung paano sila makakatulong sa kapwa.